Ang San Vicente at ang Granadinas (Ingles: Saint Vincent and the Grenadines/ˌɡrɛnəˈdiːnz/) ay isang pulong bansa sa Karibe. Matatagpuan ito sa timog-silangang Kapuluang Winward ng Mas Mababang Antillas, na nasa Kanlurang Indiyas at katimugang dulo ng silangang hangganan ng Dagat Karibe kung saan tinatagpo ng huli ang Karagatang Atlantiko.
Kabilang sa teritoryong may sukat na 369 km2 (142 mi kuw) ang pangunahing pulo ng San Vicente at, sa timog nito, ang dalawang-ikatlo ng hilagang bahagi ng Granadinas, isang kadena ng 32 mas maliliit na mga pulo. May naninirahan sa ilan sa Granadinas—ang Bequia, Mustique, Pulong Union, Canouan, Petit San Vicente, Pulong Palm, Mayreau, Pulong Young—habang may ilan na walang naninirahan: Tobago Cays, Baliceaux, Battowia, Quatre, Petite Mustique, Savan at Petit Nevis. Karamihan na nasa daanan ng bagyo (o hurricance) ang San Vicente at ang Granadinas.
Nasa hilaga ng San Vicente ang Santa Lucia, sa silangan ang Barbados, at ang Grenada sa timog. May higit sa 300 naninirahan/km2 (700 bawat mi. kuw.) ang kakapalan ng populasyon ng San Vicente at ang Granadinas, na may tinatayang
104,332 kabuuan ng mga naninirahan.
[2][3]
Kingstown ang kabisera at pangunahing daungan ng bansa. May kasaysayang kolonyang Briton ang San Vicente, at kabilang na ito ng Organisasyon ng mga Silanganing Estado sa Karibe, CARICOM, Komonwelt ng mga Bansa, Bolivariyanong Alyansa para sa mga Amerika at ang CELAC.
Noong Abril 2021, sumabog ang bulkang La Soufrière ng ilang beses na may patuloy na "mga kaganapang pumuputok." Noong Abril 12, nilikas ng 16,000 residente ang lugar ng kanilang tinitirhan.[6][7] Nagpaabot ng tulong at suportang pinasyal ng ilang mga karatig na pulo, ang Reyno Unido at ahensya ng Mga Nagkakaisang Bansa. Inihayag ng Bangkong Pandaigdig noong Abril 13, 2021 ang unang mahalagang alok ng pondong pangmatagalan na nagkakahalagang $ 20 milyon.[8]
Etimolohiya
Ipinangalan ni Christopher Columbus, ang unang Europeo na nakarating sa pulo, ito kay San Vicente ng Zaragoza, kung saan ang kapistahan nito ay ang araw kung saan unang nakita ni Columbus ang pulo (22 Enero 1498). Tumutukoy ang pangalang Granadinas sa Kastilang lungsod ng Granada, subalit pinagkakaiba ito sa pulo na may kaparehong pangalan, at ginamit ang munting pangalan sa halip. Bago dumating ang mga Kastila, tinatawag ito ng mga katutubong Kalinago na tinirhan ang pulo ng San Vicente bilang Youloumain, sa karangalan ni Youlouca, ang espiritu ng mga bahaghari, na pinaniniwalaan nila na pinaninirahan ang pulo.[9][10]